E-NUTRIBUN PROJECT ISUSULONG NG DEPED AT DSWD
TINITINGNAN ng Department of Education at ng Department of Social Welfare and Development ang posibilidad ng pagpapatuloy ng mga feeding program kontra malnutrisyon kahit walang face- to face-classes ang lahat ng benepisyaryong mag-aaral sa buong Filipinas.
Ang bibida sa feeding program – enhanced nutribun.
Sa isang panayam kay Food and Nutrition Research Institute Director Mario Capanzana, sinabi niyang patuloy na kumikilos ang dawalang ahensiya upang makapagprodyus ng e-nutribun sa mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya.
Subalit dahil nakakuwarentena at hindi puwedeng lumabas ang mga bata, sila ay naghahanap ngayon ng
mga lokal na ‘adoptor’ ng resipe ng mas pinasustansiyang nutribun.
Ayon kay Capanzana, nananawagan ang DepEd at DSWD sa mga pribadong negosyo at mga local entrepreneur na maaaring maging katuwang sa pagluluto at paghahatid nito sa DepEd accredited schools at DSWD accredited Child Development Centers.
Katunayan ay kamakailan lamang ay nagkaroonna ng birtuwal na pulong ang magkakatuwang na
ahensiya kasama ang halos 100 bakeshops at mga negosyanteng nagnanais maging kabahagi ng proyekto.
Ikinagagalak ito ng FNRI bagaman mahabang proseso pa umano ang pagdaraanan nito.
Sisiguruhin pa umanong may sapat na pagsasanay ang mga adoptor. Sasaliksikin pa ng FNRI kung wasto ba ang pormula, bilang ng calories at protein, at ng micronutrients sa bawat tinapay.
Kung ikukumpara naman sa nutribun noong dekada ’70, ang e-nutribun ngayon ay mayroon nang humigit-kumulang 500 kcal. Bitamina A, iron, iodine, gaya ng mga nakikita sa masusustansiyang gulay, na isasahod din dito.