Campus

DONATION DRIVE PARA SA ‘ULYSSES’ VICTIMS INILUNSAD NG MGA MAG-AARAL NG TACURONG

/ 29 November 2020

NAGSAGAWA ng donation drive ang mga kabataang Tacurongnon mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang tulungan ang mga biktima ng bagyong Ulysess.

Ilang mag-aaral na ang bumuo ng grupong mag-iingay at kakalampag sa social media upang humingi ng tulong para sa mga biktima ng bagyo.

Upang mapabilis ang pangangalap ng donasyon, naisipan nilang huminigi ng tulong sa kanilang mga dating kaklase o batchmate na nasa ibang paaralan na ngayon. Dito nabuo ang isang grupo ng mga mag-aaral na tinawag nilang ‘BuligTa!curong’. Ang ‘Bulig Ta’ na salitang Hiligaynon ay nangangahulugang “Tulong tayo”, na isang napakagandang katangian na lubos na pinahahalagahan sa panahon ng krisis na kinakaharap ng bansa.

“Napakahirap pong i-manage ang time para mabuo ang grupong ito dahil marami po sa amin ang abala ngayon sa pag-aaral. Subalit mas mahirap po para sa amin na pabayaan lamang ang napakaraming kababayan nating humihingi ng tulong,” sabi ni Heroine Marish Fernandez ng Tacurong National High School.

Kasalukuyan nilang iniipon ang pagdagsa ng mga donasyon at sisikaping maipadala agad sa Bicol province at iba pang lugar na apektado ng kalamidad.

“Dati ay babad po ako sa gadget at kadalasang dis oras na ng gabi bago matulog dahil sa paglalaro ng online games at social media, pero ngayon mas ginawa kong makabuluhan ang aking panahon. Ibinaling ko ito sa mas kapaki-pakinabang na paraan. Talagang beyond compare pala ang happiness kapag nakakatulong sa kapwa,” wika ni Kristel Angela Juelo ng Notre Dame-Siena College of Tacurong.