Campus

DEPED, PULISYA AT MGA KAWAL SA LEARNING CONTINUITY PLAN SA BAGUIO CITY

/ 28 July 2020

MAGKABALIKAT ang mga itinuturing na kawal mula sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno sa Baguio City para sa paglulunsad ng tinawag na Learning Continuity Plan dry run simula noong Lunes, Hulyo 27, 2020.

Katuwang ng DepEd-Baguio City ang 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army at Baguio City Police Office sa paglunsad na dry run sa mga pilot schools na kinabibilangan ng Happy Hallow Elementary School, Happy Hallow National High School, Bonifacio Elementary School at Guisad Valley National High School and Senior High School.

Nagsimula na ang pag-deliver ng mga kagamitan ngayong linggo.

Ayon kay Assistant Schools Division Superintendent Soraya Faculo, ikinagagalak nila ang pagresponde ng mga stakeholders kaugnay sa pagbubukas ng klase kahit na sa panahon ng pandemya.

Katunayan, ayon sa nabanggit na opisyal, ay noong Abril pa nang sinimulan ang plano para masiguro na magiging maayos ang lahat sa darating na pasukan ng mga klase.

Pangungunahan ni Brig. Gen. Henry Doyaoen ng 503rd Infantry Battallion ang DeAR Army o Delivery and Retrieval Army para sa delivery at retrieval ng self-learning modules upang masigurong ligtas ang proseso alinsunod sa safety protocols.

Maliban sa partnership ng DepEd-Baguio City, BCPO at Philippine Army, inilunsad din ang Parents Academy at Project Kalayaan bilang bahagi ng community volunteer program hindi lamang sa panahon ng dry run kundi para sa tuloy-tuloy na pagsulong ng edukasyon sa gitna ng nararanasang pandemya.