Campus

DE LA SALLE CSB WAGI SA MMFF 2020

/ 30 December 2020

NAIUWI ng De La Salle University-College of Saint Benilde ang Best Student Short Film award sa katatapos lamang na awards night ng Metro Manila Film Festival 2020.

Ang pelikula, na pinamagatang “Paano Maging Babae”, ay sa direksiyon ni Gian Arre. Ito ay mayroong pagnanais na ilahad sa publiko ang pagdedesisyon ng hanay ng kababaihan na magsalita’t huwag manatiling pipi sa panahong ang hustisya’y hindi nakakamit ng mga mamamayang Filipino.

Samantala, hindi man nagwagi ay naging nominado naman ang mga maiikling pelikulang ‘Balikbayan’ ng University of Makati at ‘Laruang Baril’ ng Far Eastern University High School.

Gaya ng sa DLS-CSB, ang ‘Balikbayan’ ay nagsisiwalat din ng kasalukuyang kalagayan ng mga Overseas Contractual Workers sa labas ng bansa. Ang ‘Laruang Baril’ naman ay nakasentro sa usapin ng kriminalidad at ang epekto nito sa mga mamamayan, partikular sa mga kabataan.

Mapapanood pa rin ang mga pelikula sa buong bansa via Upstream PH.

Kasama sa line-up ng student films ang ‘AaBaKaDa’ ni Tyrone James Luanzon, ‘Sala, Salin- Laway’ ni Daniella Verzosa, ‘Sina Alexa, Xander, at ang Universe’ ni Vahn Leinard Pascual, ‘Garbo’ ng University of Southeastern Philippines, at ‘Lipstick’ at ‘Paraisong Parisukat’ ng Philippine High School for the Arts.

Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga pelikula ay maaaring bisitahin ang facebook.com/mmffofficial. Kasabayan itong ineere ng mga full-length MMFF entries gaya ng ‘Fan Girl’ na humakot ng samu’t saring parangal sa nagdaang Gabi ng Parangal.