DATING JEEPNEY DRIVER DEGREE HOLDER NA NGAYON
BUONG pagmamalaking ibinahagi ni Marvin Padilla Daludado ang kanyang kuwento matapos na makuha ang pinakaaasam na BS Information Technology degree mula sa University of the East.
“Jeepney driver ninyo noon, graduate na ngayon,” pahayag niya sa Facebook.
Simula noong 2015, namamasada na ng jeep si Daludado para matustusan ang sariling pangangailangan sa eskuwela.
Nagpursige siyang mamasada dahil mahal ang tuition sa UE. Gayundin, ayaw niyang humingi ng baon sa mga magulang para hindi na sila mamroblema pa.
Mula sa kita sa pagmamaneho siya nakagagawa ng projects at nakapagbabayad ng ilang porsiyento ng kanyang matrikula.
Sinasagupa niya ang init, usok, at traffic bago at pagkatapos ng kanyang klase para tiyak na makatapos. Biro pa nga niya, pasaway siya minsan sa kalye at nasisita ng Valenzuela Traffic Police.
Kapag pinapara dahil sa posibleng violation, tugon niyang lagi, “kumukuha lang po ako ng pambaon.” Kapag naririnig na umano nila ito, pinahaharurot na ulit siya para ‘di mahuli at lumiban sa klase.
Nagpapasalamat si Daludado sa mga beteranong drayber na gumagabay sa kanyang pamamasada. Madalas mang nakikipagbalyahan sa pasahero ay pinangangaralan pa rin siya nito hanggang sa makatapos ng kolehiyo.
“5 a.m. ay bumibiyahe na ako para may pambaon dahil may pasok pa ako ng 8 a.m. At ‘pag sinipag sipag at ‘pag may school projects na kailangang pagkagastusan pagkagaling sa school ay pumapasada pa rin ako dahil kailangan.Salamat din sa mga naging suki na minsan inaabangan ako dahil ‘di sila nale-late ‘pag ako ang nasasakyan,” kuwento niya.
“Shout din sa mga pasahero na galit pa kapag sa tamang babaan ibinababa, nagmumura pa minsan dahil malayo raw lalakarin nila, tsk, tsk. God bless na lang sa inyo.Thank you rin sa mga naging kaibigan, sa mga kakilala na naisakay ko, sa mga nalibre. Sa mga nakakuwentuhan, pati na rin sa mga nag 1123 na madalas kapwa ko pa estudyante.
“Laging sinasabi ng iba na bakit pa raw ako namamasada eh nandiyan naman daw ‘yung magulang ko, bakit ‘di nalang daw ako humingi sa kanila. ‘Di naman porke nandyan ‘yung magulang mo ay iaaasa mo na lahat sa kanila. Natuto akong maging independent at tumayo sa aking sariling paa dahil masarap sa feeling na sa maliit na paraan ay nakakatulong ako sa mga magulang ko at ‘yung mga gusto kong bagay ay nabibili ko kahit papaano nang ‘di ko na hinihingi sa kanila. Kahit sa maliit na paraan ay malaking tulong na sa kanila ‘yun dahil ‘di na nila ako intindihin,” dagdag niya.
BS IT major in Network Security, Multimedia, and Web Development ang kanyang tinapos at aniya, maghahanap na siya ng ibang hanapbuhay na nakalinya sa kursong natapos.