Campus

WAGI SA PANAF BRAND COMMUNICATIONS STUDENTS’ COMPETITION

/ 1 December 2020

NAIUWI ng Far Eastern University ang Sponsor’s Choice Award sa nagdaang 2020 Brand Communications Students’ Competition ng Philippine Association of National Advertisers Foundations.

Sa 27 paaralang kalahok, FEU ang napili ng PANAF na magkamit ng nasabing karangalan matapos nilang magpamalas ng natatanging husay pagdating sa business administration.

Tatlong mag-aaral mula sa Institute of Accounts, Business, and Finance, isang Communication student, at isang Fine Arts students ang nagtulong-tulong para maabot ang tagumpay.

Inilahad ng grupo ang pinakamahusay na estratehiya sa kung paano lumutang sa industriya ang Katapult Digital. Masusi nilang pinagsanib ang larangang pagtutuos at pagnenegosyo, komunikasyon, at sining-biswal para maitawid ang mahirap na suliranin.

Ang grupong kumatawan sa FEU ay binubuo nina Hans Christian Baldecasa (5th Year BS Accountancy), Harry Tuazon (4th Year BS Internal Auditing), Rauchelle Obispo (3rd Year BS Accountancy), Jei Cauzon (4th Year BA Communication), at Mark Roqueta (1st Year, B Fine Arts – Visual Communication).

Si Baldecasa ay nagwagi rin ng unang karangalang banggit (Deloitte Case Study Competition) sa katatapos lamang na Accountancy Students’ Seminar and Extra-Curricular Training ng University of the Philippines – Junior Philippine Institute of Accountants noong Nobyembre 14-15 at 21-22.

Suki na ng patimpalak si Baldecasa at isa siya sa mga kumakatawan sa pamantasan sa ASSET 2020, tampok ang samu’t saring gawaing nilalahukan ng higit sandaang mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.