CENTRAL LUZON STATE U LEARNERS NGANGA SA GUIDELINES FOR AY 2020-2021
NANAWAGAN ang mga estudyante ng Central Luzon State University sa Muñoz, Nueva Ecija para sa malinaw at kongkretong guidelines para sa academic year 2020-2021 kahit pa magbubukas na ang klase ngayong araw, Oktubre 5.
“Sa kasalukuyan ay wala pa ring inilalabas na kongkreto at malinaw na guidelines ang administrasyon ng Central Luzon State University kaya patuloy pa rin na nangangapa ang mga mag-aaral,” ayon sa opisyal na pahayag ng CLSU Collegian.
Ayon pa sa kanila, hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga problema sa email addresses ng mga estudyante na lalong nagbibigay ng kalituhan sa kanila.
Sigaw ng grupo, huwag magbingi-bingihan ang unibersidad sa hinaing ng mga estudyante nito.
“Wag naman sana tayong magbingi-bingihan. Sa huli, ang magiging lubos na dehado ay ang mga mag-aaral at mga guro na patuloy na nalilito at naghahanap ng kongkretong plano at gabay mula sa administrasyon ng CLSU,” pahayag ng CLSU Collegian.
Samantala, sinabi ng grupo na isang malaking dagok ang distance learning para sa mga estudyante na walang kakayahang bumili ng gadgets.
Base sa datos ng CLSU University Supreme Student Council, mula sa 857 na tugon sa isang sarbey, may 81.4 porsiyento ng mga mag-aaral ang walang natatanggap na scholarship, pribado man o sa gobyerno, habang nasa 92.4 porsiyento naman ang mga mag-aaral na umaasa lamang sa kanilang smartphone upang gamitin sa kanilang online classes.