Campus

BULACAN STATE U STUDENTS PUMALAG SA PANININGIL NG LABORATORY  FEES

/ 12 November 2020

SA KABILA ng pandemya ay patuloy umano ang paniningil ng Bulacan State University ng laboratory fees sa mga estudyante.

Sa isang Facebook post ng STAND BulSU, organisayon ng mga estudyante, ayaw paawat sa paniningil ng iba’t ibang fees ang unibersidad sa ilalim ng administrasyon ni university president Cecilia Navasero- Gascon.

“Sinisingil ngayon ang mga estudyante ng matrikula para sa tutorial classes kahit pa ito ay first take lamang at ng laboratory fee na ibinunga ng taas- matrikula na panukala ni Gascon noong 2018,” sabi ng grupo.

Binatikos din ng STAND BulSU ang pagkakait umano ng libreng edukasyon ng BulSU, lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Mariing kinokondena ng alyansa ng mga pambansang  demokratikong organisasyon sa BulSU ang maniubra na ito para ipagkait ang libreng edukasyon lalo ngayong panahon ng pandemya,” ayon sa grupo.

Dagdag pa ng grupo, dapat suspendihin ang anumang bayarin upang mapatotohanan ang kataga ng unibersidad na, “Wag kayong (mga BulSUan) mag-alala at mag-aral na lamang, hindi ninyo papasanin ang 200% increase.”

Nanawagan din ito sa mga estudyante na sagutan ang Fee Collection Grievance Form: https://forms.gle/2wTkfqaeGURdQAuh7 bilang panawagan na alisin ang paniningil.

Tinawagan ng The POST ang BulSU subalit bigo itong makuha ang kanilang panig.