Campus

BULACAN STATE U LEARNERS HUMIHIRIT NG ‘ACADEMIC EASE’

/ 13 November 2020

ISANG grupo ng mga estudyante mula sa Bulacan State University ang humingi ng ‘academic ease’ sa harap ng sunod-sunod na kalamidad.

Sa isang bukas na liham, sinabi ng STAND BulSU na kailangan ngayon ng mga estudyante ang academic ease at break dahil sa pinsalang idinulot ng magkakasunod na bagyo.

Nais ng grupo na pansamantalang suspendihin ang lahat ng requirements na kailangang ipasa ngayong buwan, luwagan ang mga panuntunan pagdating sa pasahan ng mga gawain, at magkaroon ng academic break upang makapaglaan ng panahon na makaahon sa pinsalang dulot ng mga bagyo.

Panawagan din nila na suspendihin ang anumang bayarin at ilabas ang scholarship grants.

“Kumakatok kami nang may mabuting hangarin at malinis na intensyon sa inyong tanggapan. Pakinggan ang hinaing ng mga estudyante at guro!” sabi ng grupo.

Aminado naman ang STAND BulSU na sa kabila ng kagustuhan nilang magpatuloy ang edukasyon ay hindi maiiwasan ang ganitong kalamidad.

“Ang kailangan po ng komunidad ngayon ay hindi papuri sa aming pagsisikap, kundi pag-unawa sa kabila ng kagustuhang magsumikap ay nariyan ang hindi maitatangging limitasyon at kahirapan,” dagdag pa ng grupo.