BAWAL MAG-POST SA FACEBOOK: TUP UNIVERSITY STUDENT GOV’T NAIS BUSALAN NG OSA?
PINAGBAWALAN umano ng direktor ng Office of Student Affairs ng Technological University of the Philippines ang University Student Government na mag-post sa Facebook lalo na kung walang pahintulot mula sa opisinang nabanggit.
Base sa ulat ng Rise for Education Alliance sa TUP, ginawa umano ni OSA director Dr. Apollo Portez ang pahayag sa isang pulong na ipinatawag ng kaniyang opisina, kasama ang mga student leader sa TUP, kaugnay ng kanilang pagkondena sa nangyaring student handbook consultation.
Magugunitang tinawag ng TUP USG na ‘peke’ ang naging konsultasyon ng administrasyon ng pamantasan, kung saan pili lamang ang mga nakalahok at hindi umano dininig ang suhestiyon ng mga estudyante.
Ito’y matapos na magbaba ang administrasyon ng TUP ng guidelines hinggil sa online classes kung saan mayroong hair and dress code policy, kasama na ang polisiya na dapat naka-on ang mga kamera ng mga estudyante tuwing klase, na inulan ng batikos mula sa mga mag-aaral.
Kinondena naman ang direktor dahil sa umano’y ‘pambubusal’ sa bibig ng mga estudyanteng umaaray sa mga ‘anti-students’ na polisya na kanilang ibinababa.
“Bulok talagang sistema,” “Ay ayaw mapuna??? galing niyo pala,” “how low can you go, tup?” “Ano kalokohan na naman ‘yan,” ang ilan sa mga sentimyentong ibinahagi ng mga estudyante hinggil sa pahayag ng direktor.
Nauna nang nagsumite ng joint petition ang mga estudyante ng TUP laban sa nasabing memo at hinimok ang adminstrasyon nito na tigilan ang represyon sa mga estudyante at unahin ang paglikha ng mga maka-estudyanteng ‘polisiya, lalo na’t lahat ay nag-aadjust sa distant learning.