BAGONG ACADEMIC BUILDING NG ST. BENILDE TRENDING
USAP-USAPAN ngayon sa social media ang istruktura ng bagong gusali ng De La Salle College of Saint Benilde dahil sa kakaiba nitong gandang pang-arkitekto.
Ipinagmalaki ni Architect Daniel Lichauco ng Archion Architects ang ilang mga retratong kuha sa matatapos nang Academic Building 4 ng CSB.
Isa umano itong atrium na may escalator kada dalawang palapag na may natural ventilation sa tulong ng makaagham na pamamaraan.
“Sharing our soon to be completed College of St. Benilde Academic Building 4. It is an atrium building with escalators every 2 floors and gathering balconies for the students. The atrium is a heat stack that allows all public spaces to be naturally ventilated using Bernoulli’s Principle of Fluid Dynamics,” wika niya.
Malaki naman ang pasasalamat niya sa Archion CSB Team sapagkat panibago na naman itong panandang-bato ng tagumpay ng kanilang grupo.
“Good job Archion CSB Team! Another addition in our series of “Forced Air Structures,” sabi niya.
Si Lichauco ay nagtapos ng batsilyer sa University of Santo Tomas noong 1986. Nag-aral siya ng Masters in Architecture with concentrations on Architectural Design and Theory at Masters in Urban Planning with concentration on Urban Design sa University of Michigan.
Sa kanyang pagtatapos ay binigyan siya ng iskolarsyip upang dumalo sa University of Notre Dame para sa kanyang ikatlong masters degree nang may konsentrasyon sa Classical Architecture and Classic Urban Designs.
Naging founding partner siya ng Archion dalawang taon matapos ang kaniyang stint sa Francis Manosa and Partners.
Kasama sa mahabang listahan ng mga gusaling dinisenyo ni Lichauco ang Ateneo Professional Schools sa Rockwell Center, Aquino Center sa Luisita Tarlac, El Shaddai Church and Convention Center, at ang matatapos nang Academic Building 4 ng DLS-CSB.