Campus

BADYET NG UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES ‘KINATAY’ NG DBM

NANGANGANIB na hindi masustena ng Unibersidad ng Pilipinas ang ilan sa mga nakapila nitong proyekto at programa dahil tinapyas na naman ng Department of Budget and Management ang panukalang badget ng unibersidad para sa 2021.

/ 31 August 2020

NANGANGANIB na hindi masustena ng Unibersidad ng Pilipinas ang ilan sa mga nakapila nitong proyekto at programa dahil tinapyas na naman ng Department of Budget and Management ang panukalang badget ng unibersidad para sa 2021.

Tanging P19.7 bilyon o 70% lamang sa UP proposal ang alokasyon ng DBM, mas mababa ng P8.7 milyon sa inaasahang halaga.

Bagaman ang apropriasyon ay mas mataas ng P985.6 milyon sa nakaraang taon, hindi pa rin ito sasapat sa pagsaklaw sa lahat ng mga pananaliksik at akademikong gastusin na nangangailangan ng agarang suporta lalo pa’t kalakhan dito ay para sa paglutas ng pandemyang Covid19.

Batay sa ulat ng Philippine Collegian, nangangailangan ang UP ng karagdagang P2 bilyong badget para ma-regularize  ang mga kontraktuwal na empleyado at para makapag-empleyo ng karagdagang kawani sa lahat ng kampus.

Nasa P1.53 bilyong badget ay para sa mga miyembro ng pakuldad, administratibong kawani, at mga mananaliksik, na ngayo’y masigasig na bumubuo ng mga course pack para sa distance learning at nakikipagbuno laban sa nakamamatay na virus.

Wala umano sa National Expenditure Program ang mahigit 2,000 plantilla positions na hiniling ng ilang mga unit ng UP. Sa NEP ay ispesipikong nakasulat ang inirerekomendang badget ng DBM na diringgin  sa sesyon ng Kongreso. At batay sa mga nagdaang taon, hindi na natatalakay pa ang mga aytem na wala sa ikinasang NEP.

Samakatuwid, malaki ang posibilidad na hindi na malalaanan ng suporta ang ‘kinaligtaang’ mga punto.

Bunsod nito ay nangangamba ang buong komunidad ng UP na baka matigil ang ilang mga programa at manatiling kontraktuwal ang mga kawaning ilang taon nang naninilbihan para sa mga iskolar ng bayan at sa buong bansa.