BABAENG KADETE TOPNOTCHER SA PNPA “LAYAG-DIWA” CLASS OF 2024
ISANG babae ang nanguna sa pagtatapos ng 223 kadete na miyembro ng Philippine National Police Academy “Layag-Diwa” Class of 2024.
Si Police Cadet Ma. Camille Cabasis ng Lian, Batangas ay nakatakdang tumanggap ng Presidential Kampilan Award bilang class valedictorian sa PNPA graduation ceremony ngayong araw, April 19.
Bago pa man pumasok sa PNPA, si Cabasis ay nagtapos na cum laude sa Batangas State University na may degree sa criminology; at topnotcher sa Calabarzon sa 2019 Board Exam.
Si Cabasis ay naging miyembro ng Reserve Officer Training Corps habang nagsisikap bilang working student sa kolehiyo.
Ang PNPA “Layag-Diwa” Class ay binubuo ng 182 lalaki at 41 babaeng kadete.
Ang nagtapos na 198 ay nakatakdang maging pulis o sumama sa PNP; 12 naman ang magiging bumbero o sasama sa Bureau of Fire Protection, at 13 sa Bureau of Jail Management and Penology, bilang mga bagong tinyente at inspektor.