APELA NG MGA ESTUDYANTE: TANGGAPIN KAMI SA UCC
MARIING kinondena ng mga mag-aaral ang desisyon ng University of Caloocan City na tanggihan ang aplikasyon ng mga non-fresh Senior High School graduates at transferee students para sa susunod na akademikong taon.
“Ang edukasyon ay para sa lahat, hindi sa iilan lamang,” wika ng UCC Hear Your Students Network – koalisyon ng mga mag-aaral na tumututol sa anti-student provisions ng UCC administration.
Anila, labag sa karapatan ng mga mamamayan ang hindi pagtanggap sa kanila ng pampublikong unibersidad na dapat sana’y unang kumakalinga, lalo na sa mga mahihirap pero nagnanais makapagtapos ng kolehiyo.
“Pangunahin at pundamental na karapatan ng bawat estudyante na makapag-aral sa pampribado at pampublikong paaralan,” giit ng UCC-HYS Network.
Maraming napilitang huminto noong nakaraang taon dahil sa pandemya. Gayundin, mayroong mga nag-aaral sa pribadong paaralan na nangangailangang lumipat sa may libreng edukasyon upang muling makapagpatuloy. Mula sila sa mahihirap na pamilya na nawalan ng trabaho dahil sa kasalukuyang krisis-kalusugan. At ang ‘di pagtanggap ng UCC sa kanilang aplikasyon ay malinaw na manipestasyon ng hindi pagkilala sa batayang karapatan ng mga mamamayan.
Dagdag ng koalisyon, “dahil sa pandemya’y nagpataw rin ang UCC ng polisiyang nagbibigay sa limitadong pagpili ng kurso at pagbabantay sa average grade ng isang mag-aaral. Nararapat na hindi nalilimitahan ang pagpili ng estudyante sa nanaising kurso, at pangunahing tungkulin ng lungsod ng Caloocan na ito ay maging ligtas dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya.”
“Sa ganitong mandato sa loob ng pamantasan (limited slots) na nililimitahan ang pagtanggap ng estudyante at mga fresh graduates lang ang tatanggapin, ito ay porma ng pagtalikod sa demokratikong karapatan ng bawat mag-aaral at nais makapag-aral sa pamantasan. Katulad sa kasalukuyan na maanomalyang tatanggapin lang ng pamantasan ang mga nagsipagtapos sa taong 2020-2021 at mga 4th Yr. Students na nagsumite ng Leave of Absence,” dagdag pa nila.
Binanggit din ng UCC-HYS Network ang pagsulong ng new mode of learning. Dapat, anila, libreng ipamigay ang modules at tumulong ang pamahalaang lungsod na makapagbahagi ng electronic devices sa mga estudyante’t guro.
“Dahil sa pandemya, itinulak ang mga estudyante sa bagong tipo ng pag-aaral. Ito ay inaangat natin sa antas na dapat ipamigay nang libre ang modules, mamahagi ng electronic devices (tablet, laptop, computer), at maglaan ng pondo para sa mabilis na internet connection na sasalo sa mabigat na pasahin sa pampinansiyal na gastusin ng mga estudyante at magulang. Kalapin din nito ang panawagang itaas ang sahod ng mga guro sa UCC.”
Suportado ng National Union of Students of the Philippines ang mga iskolar ng UCC.
“Equal access to free education must uphold in these turbulent times, especially when many Filipinos have been suffering to economic decay and inept government response,” pahayag ng NUSP sa Facebook.
Wala pang tugon si Caloocan City Mayor Oca Malapitan tungkol dito. Naninindigan naman ang UCC sa nauna na nilang anunsiyo hinggil sa proseso ng aplikasyon.