Campus

ADAMSON INULAN NA NAMAN NG REKLAMO DAHIL SA LOCKDOWN BROWSER

/ 30 September 2020

MULI na namang inulan ng reklamo ang Adamson University dahil sa mandato  nitong pagda- download ng Respondus Lockdown Browser na umano’y nakapagpapawala ng privacy ng bawat mag-aaral sa birtuwal na mga classroom.

Ayon sa ulat, para makapag-eksam ang sinumang mag-aaral ng AdU ay kailangan munang i- download sa kani-kaniyang gadget ang Respondus Lockdown Browser, isang mekanismo para umano makasigurong walang mangyayaring dayaan sa panahon ng pagsusulit.

Ang Respondus Lockdown Browser ay isang computer browser na awtomatikong magmamatyag sa bawat taong gumagamit nito.

Sa oras ng pag-download ay hinahayaan mo ang naturang aplikasyon na kunan ka ng retrato at bidyo sa sandaling ikaw ay gumalaw nang labis o kaya’y magsalita na lagpas sa maximum allowable time.

Mayroon nang mga mag-aaral ng AdU na nagpahatid ng reklamo sa social media ukol dito.

Ayon kay @annatea16, nahirapan siyang i-shut down ang kaniyang laptop sapagkat lumalabas ang mga katagang “Task Manager has been disabled by your administration” at “There are currently no power options available.”

Ipinaliwanag din niya ang ilang ‘anomalya’ sa registry keys, ilang silip sa posibilidad ng kawalan ng privacy ng sinumang magda-download nito.

Samantala, sinabi ni Gabriel Torres na sasang-ayon siya sa AdU, lalo ngayong panahon ng mga pagsusulit, kung mangangako ang unibersidad na nakaatang sa kanila ang accountability sa oras na masira ang kanilang gadget.

“For the last time around. I would reiterate that the utilization of Lockdown Respondus app is ineffective especially to the students itself. Laptops are prone to hanging and it causes glitches to their mobile phones and also how about those students who are only using one gadget, is the university will be accountable for its damages?!,” komento niya sa Facebook.

Sa kabila nito ay nanindigan ang AdU Center for Innovative Learning na ligtas ang RLB. Diin nila, 13 taon nang nagbibigay-serbisyo ang naturang browser at wala pang reklamo o suliraning pam-privacy ang kanilang nabalitaan. Sinubukan din umano nila ito bago ipagamit sa mga mag-aaral.

“Lockdown Browser has been distributed for over 13 years and is used to take over 100 million online exams annually. It is widely implemented at over 1,500 universities, hundreds of school districts, and thousands of certification and testing centers. There has never been a situation where Respondus has distributed a Lockdown Browser that had a virus/malware attached to it, nor does Lockdown Browser ‘destroy’ students’ computers. It’s unlikely this was an issue with Lockdown Browser itself,” mensahe ng CIL.

“Adamson University acquired the services of Respondus with a good intention of maintaining the probity of the examinations in our Flexible Learning environment. CIL firmly believes that the use of Respondus Lockdown Browser contributes in the achievement of AdU’s core values particularly ‘Integrity’ and ‘Academic Excellence’”, dagdag pa ng unibersidad.

Matatandaan na noong unang araw ng pasukan ay pinagpiyestahan sa social media ang ‘palpak’ na pagbubukas ng klase sa AdU. Unang mga oras pa lamang ng online class ay nag-shut down kaagad ang BlackBoard Learning Management System na nagdulot ng dagling antala sa ilang mga klase.