ACADEMIC FREEZE SIGAW NG PLM STUDENT ORGS
NAGKAISA ang mga organisayon ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila upang manawagan para ideklara ang academic freeze.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng mga ito na kailangan ang academic freeze o ang pansamantalang pagtigil sa pagbubukas ng klase hanggang Enero upang magkaroon ng sapat na oras sa paghahanda at masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, kaguruan at empleyado ng PLM.
Ayon sa kanila, hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na plano sa isasagawang flexible learning na nagdulot ng pangamba at kalituhan sa mga mag-aaral, lalo na sa mga graduating at mga sumasailalim sa on-the-job training.
Giit nila, sa ilalim ng online learning ay mahihirapang makuha ang kalidad na edukasyon lalo na sa skill-based courses.
“Ang modang modular ay walang garantiya na maihahatid nito ang kalidad na edukasyon dahil hindi malabong maikompromiso nito ang mga skill-based course at hindi lahat ay may conducive learning environment sa kanilang tahanan,” pahayag nila sa isang Facebook post.
Ayon sa datos ng Comission on Higher Education, nasa 20% lamang ang bilang ng state universities and colleges na handa sa online classes.
Ang naturang mga organisasyon na kaisa sa panawagang ideklara ang academic freeze ay ang Bukluran Students’ Alliance-Integrated Students’ Organization, SPARK PLM, Public Relations Auxillary Brigade, Electronics, Engineering Students’ Society, Junior People, Management Association of the Philippines-PLM Chapter, Movement Experts’ Society, Society of Mechanical Engineering-PLM Student Unit, American Society of Heating, Refrigerating and Air Conditioning Engineers – PLM Student Branch, Association of Civil Engineering Students – PLM, Junior Marketing Association – PLM, Magwayen Creative Scholars’ Guild, Junior Financial Executives- PLM, Society of Manufacturing Engineers – PLM, at PLM Student Alliance of Volunteers for the Environment.