Campus

ACADEMIC BOYCOTT INALMAHAN NG GRUPO NG MGA MAGULANG

ISANG grupo ng mga magulang ang nagsagawa ng kilos-protesta sa University Avenue ng University of the Philippines bilang pagtutol sa academic boycott.

/ 21 November 2020

ISANG grupo ng mga magulang ang nagsagawa ng kilos-protesta sa University Avenue ng University of the Philippines bilang pagtutol sa academic boycott.

Sa isang panayam, sinabi ni League of Parents of the Philippines president Remy Rosadio na ang panawagan para sa academic boycott ay isang paraan para i-recruit ang mga estudyante sa pagiging komunista.

“Hindi po kami riyan pabor. Tutol na tutol po kami diyan dahil ang ginagawa dinadaan nila ‘yan sa academic boycott pero sa katotohanan, iyan ang isang way nila para mag-recruit sa mga anak natin na sa kalauna’y ginagawa nilang mga child warriors, combatant ng NPA,” sabi niya.

Dagdag pa niya, ang academic boycott ay magiging dahilan para hindi makatapos ang mga estudyante, pagbagsak ng mga grado at sisira sa kanilang kinabukasan.

Kamakailan lamang ay pinangunahan ng Ateneo de Manila University ang academic strike kung saan walang ipapasang academic requirements ang mga estudyante sa harap ng sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa at sa umano’y kawalan ng aksiyon ng gobyerno ukol dito.

Subalit naniniwala si Rosadio na nagsimula ang panawagan na academic strike sa Anakbayan-UP at hindi sa ADMU.

“Ako naniniwala ako na nagsimula ang academic strike sa Anakbayan-UP kasi nasubaybayan ko ‘yan. Naunang lumabas ang Anakbayan-UP, academic boycott now tsaka oust Duterte, kinabukasan naglabas ang Ateneo, kaya lahat ‘yan nagsimula talaga sa UP,” paliwanag niya.

Nagalit din ang grupo dahil ang pondo na nagpapaaral sa mga estudyante ng UP ay galing sa buwis ng mga magulang at nakapag-aaral ang mga ito ng dahil dito.

“Suwerte sila at libre sila diyan, ngayon ang ginagawa nila nagre-recruit  pa sila ng mga inosenteng kabataan para gawing NPA na kinakalaban ang gobyerno,” dagdag niya.

Sinubukan ng grupo, kasama ang Liga Independencia Pilipinas, na pumasok sa loob ng UP Oblation upang isagawa ang protesta subalit hinarang ang mga ito.