Campus

23 SCHOOLS BINULAGA NG 5 ARAW NA ‘REPAIR SHUTDOWN’ NG PLDT: ‘NO INTERNET, NO ONLINE CLASSES’

/ 25 September 2020

SUSPENDIDO ang sabay-sabay na klase sa mahigit 23 kolehiyo at unibersidad mula Central Luzon, Metro Manila hanggang Palawan, Visayas at Mindanao nang dahil umano sa isinasagawang emergency maintenance ng Philippine Long Distance Telephone Company sa international cable system nito.

Nabigla man ang mga apektadong unibersidad at kolehiyo ay wala ang mga itong nagawa kundi magkakasunod na nag-anunsiyo na pansamantalang ihinto ang real-time online classes mula ngayong araw, Setyembre 25, alas-otso ng umaga hanggang sa Miyerkoles, Setyembre 30, alas-singko ng umaga.

Sa isang memorandum na ipinalabas ng Far Eastern University sa Manila campus ay sinabi nito na wala munang klase ang mga mag-aaral sa high school sa nasabing mga araw na isasagawa ng PLDT ang emergency maintenance sa Asian American Gateway (AAG) international cable system nito.

Nagsuspinde rin ng klase ang Mapua University Senior High School Department sa Manila campus, Silliman University sa Dumaguete, St. Louis University sa Taguig campus, Palawan State University sa Puerto Princesa, Adamson University, Letran at San Beda Colleges na pawang nasa lungsod ng Maynila.

Kaugnay ng nasabing class suspension ay inatasan naman ng mga pamunuan ng eskwelahan ang kanilang mga guro na magbigay ng activities at takdang aralin para maipagpatuloy ang asynchronous learning sa kabila ng pagsuspinde sa synchronous classes.

Ayon sa Siliman University at Palawan State U, kailangang habaan ang pasahan ng mga takdang aralin ng mga estudyante para sa panahong ito upang mabigyan ng sapat na oras na gawin ang mga asignatura..

Iniurong naman ang preliminary examinations ng St. Louis University sa Oktubre 1,2,3,5,6 at 7 para sa mga regular na klase habang Sa Oktubre 6 at 7 naman para sa Batch 1 ng 6-week courses.

Iniurong din ng Adamson U ang kanilang preliminary examinations para sa kolehiyo at graduate school sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 3.

Mananatili namang bukas ang mga guro ng nasabing mga kolehiyo at unibersidad para sa mga katanungan ng mga estudyante sa mga araw na walang online classes.

Ang iba pang eskwelahan na nagsuspinde ng kanilang mga klase ay ang mga sumusunod:

University of San Carlos, Cebu, National Teachers College sa Manila, San Sebastian Cathedral School of Tarlac, Tarlac State University, iAcademy College sa Makati, Ateneo De Davao University SHS Department, Malayan Colleges Laguna, St. Bernadette College sa Valenzuela, Dr. V. Orestes Educational Foundation, Inc. – Senior High School at St. Vincent College sa IloIlo City, Lyceum of the Philippines sa Manila, University of Immaculate Concepcion sa Davao City at Our Lady of Succor College sa Marikina City.

Samantala, nanawagan naman ang University of the East Student Council na suspendihin din ang asynchronous learning sa kanilang unibersidad dahil kailangan pa rin nito ng internet.

“Please do note that quizzes to be taken within class hours, albeit asynchronous, should also be postponed as it would simply lead to greater problems for both faculty and students should PLDT and Smart users be unable to take it,” sabi ng student council sa isang liham sa administrasyon ng UE.

Umapela rin ang De La Salle College of St. Benilde Central Student Government ng parehong suspension sa nabanggit na mga petsa.