Campus

2 TANYAG NA MANUNULAT MAGTUTURO NG PANITIKAN AT MALIKHAING PAGSULAT SA PUP

/ 12 November 2020

NAGSIMULA nang tumanggap ng aplikasyon para sa pinakabagong siklo ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino ang Politeknikal na Unibersidad ng Pilipinas – Sentro ng Panitikan at Araling Wika noong Nobyembre 10.

Tampok ng kursong sertipiko ang tanyag na manunulat na si Bob Ong —  ang may-akda ng bestselling books na ABANKKBSNPLAKO?, Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Filipino, Stainless Longganisa, at 56.

Si Ong ang magtuturo ng Pagsulat ng Non-Fiction, isa sa mga genreng pampanitikan na sahog sa siklo 2020-2021 ng SPMPF.

Makakasama ni Ong ang manunulat, kritiko, at propesor ng Unibersidad ng Pilipinas – Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas na si Amado Anthony Mendoza III. Si Mendoza, na kilala sa ngalang Arlo, ang hahawak ng kursong Pagsulat ng Nobela.

Si Mendoza ang may-akda ng nobelang Aklat ng mga Naiwan, bunga ng natatangi niyang tesis noong di-gradwadong aralin sa UP.

Ayon sa Facebook post ng CLLS, ang dalawang kurso ay inaasahang magsisimula ngayong Nobyembre, sa oras na mapuno na ang inaasahang bilang ng mga mag-aaral.

Online gaganapin ang serye ng mga lektura habang ipinagbabawal pa rin ang pagkakaroon ng face-to-face classes sa alinmang pamantasan sa Filipinas bunsod ng Covid19.

Para sa mga nais mag-enroll, makipag-ugnayan at magpadala lamang ng email sa [email protected]. Maaari ninyo ring bisitahin ang Facebook page na https://www.facebook.com/CLLSPUP/.

Ang CLLS ay ang kapatid na sentro ng Center for Creative Writing.