Campus

2 ESTUDYANTE PATAY SA GANG WAR

/ 13 April 2025

DALAWANG estudyante ang nasawi makaraang makipagrambulan malapit sa isang paaralan sa Barangay CAA, Las Pinas City.

Batay sa pahayag ni PCol. Sandro Jay Tafalla, hepe ng Las Pinas Police, ang mga nasawi ay kapwa binatilyo na Grade 8 students.

Aniya, mayroong alitan ang mga biktima at kalabang grupo at unang nagtalo sa loob ng CR ng paaralan kung saan sila pumapasok.

Makaraang magtalo sa loob ng CR ay lumabas ang magkalabang grupo sa bisinidad ng paaralan at pagsapit sa layong 100 meters ay nagpang-abot.

“Paglabas ng eskuwelahan.  according sa report itong grupo ng Grade 8 habang lumalakad palayo sa eskuwelahan 100 meters away ay sinundan sila ng mga grupo ng Grade 9 student kung saan nga nagpang-abot at nasaksak ang dalawang 15 years old na Grade 8 student, so immediately ‘nung nangyari ‘yun,” ayon kay Tafalla.

Sinabi pa ng pulis na matapos ang krimen, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong Child In Conflict With The Law.

Nabatid na ang pinag-awayan lamang ng dalawang grupo ay ang switch ng ilaw sa loob ng CR habang dalawa sa nag-away ay mayroon nang dating hindi pagkakaunawaan.

Kabilang sa iniimbestigahan ay kung saan galing ang patalim at kung paano ito nabitbit ng mga kabataan mula sa loob ng paaralan.

Inilipat na sa kustodiya ng pulisya sa Department of Social Welfare and Development ang tatlong  kabataan na sangkot sa rambol.