2 CAMPUS NG UNIVERSITY OF CALOOCAN CITY GINAWANG VACCINATION SITE
PARA mapabilis ang vaccination program, binuksan ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang University of Caloocan City Edsa campus at Caloocan City North Medical Center para sa mga estudyante at faculty member nito na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Nasa 500 slots ang inilaan sa UCC-Edsa campus para sa mga mag-aaral at faculty member sa South Caloocan habang 300 naman ang sa CCNMC para sa Camarin at Congress campus sa North Caloocan.
Layunin ng pagbabakuna na matiyak na lahat ng mga kawani, guro at mag-aaral ng unibersidad na may edad 18 pataas ay mabibigyan ng proteksiyon laban sa virus.
Ayon kay Mayor Oca Malapitan, ito ay bahagi na rin ng paghahanda kung dumating na ang panahon na payagan na ang face-to-face classes sa kolehiyo.
Sa datos mula sa City Health Department, hanggang Sept 6, nasa 1,292,762 na ang nabakunahan sa Caloocan, 800,544 dito ay tumanggap ng first dose habang 492,218 naman ang fully vaccinated na.