OWWA REGION 1 TUMATANGGAP PA RIN NG SCHOLARSHIP APPLICATIONS
Inanunsiyo ng Overseas Workers Welfare Administration Region 1 na patuloy pa rin silang tumatanggap ng scholarship applications para sa OFW Dependent Scholarship Program.
Ang OSDP ay ang scholarship program na ekslusibo sa mga kalipikadong dependent ng OFWs. Nagbibigay ito ng P20,000 tulong-pinansiyal sa mga estudyanteng anak ng OFW na nag-aaral sa kolehiyo.
Kalipikado sa OSDP ang mga anak ng OFW na mayroong aktibong OWWA membership na may buwanang kitang hindi tataas sa $600.
Sakaling single ang miyembro, ang kapatid nitong walang anak at pamilya ay puwedeng iaplay para maging benepisyaryo.
“There are 13 slots per province available for incoming 1st year college for school year 2021-2022,” ani OWWA habang hinihikayat ang mga miyembro na mag-aplay sa programa.
Sinumang estudyanteng hindi tatanda pa sa 21 taong-gulang na magtatapos ng Grade 12 nang may 80% pataas na general weighted average at may balak pumasok sa kolehiyo ay puwedeng magpasa ng application form.
Gayundin ang mga estudyanteng kasalukuyang 2nd hanggang 5th year college, walang anak o asawa, hindi tatanda pa sa 30 taong-gulang, na may general weighted average na 80% o katumbas nito.
Ihanda lamang ang sinagutang application form, dalawang 2×2 ID pictures, pruweba ng OWWA active membership at beripikadong employment contract ng OFW, pruweba ng relasyon sa miyembro gaya ng birth certificate, at certified true copy of grades.
Isusumite ito sa opisina ng OWWA Region 1. Sasalain ng opisina ang mga aplikasyon saka padadalhan ng mensahe ang mga kalipikado sa iskolarsyip.