Bulletin Board

#KABATAANSAHALALAN: ‘WALKAH-WALKAH’ REGISTRATION CAMPAIGN NG COMELEC AARANGKADA NA

/ 25 February 2021

Ilulunsad na ng Commission on Elections ang ‘Walkah-Walkah: #MagparehistroKa Voter Education Campaign’ upang paigtingin pa ang kampanya sa voter registration, Pebrero 26.

Aarangkada ang mga motorsiklo mula opisina ng Comelec patungong Palacio del Gobernador sa Intramuros at sa Mindanao Avenue corner Quirino Highway sa Quezon City para ipabatid sa mga mamamayan na bukas ang Office of Election Officers upang tanggapin ang aplikasyon ng pagpapatala ng mga bagong botante sa darating na Mayo 2022.

Kasama sa paradang ito sina Comelec Director James Jimenez, Barangay Kapitan Atty. Eric Juan, at Comelec District VI Election Officer Atty. Zennia Ledesma-Magno.

Sila ay mananawagan mula Gawad Kalinga Village sa Barangay Talipapa, Quezon City hanggang sa iba pang bahagi ng lungsod sa pag-asang maabot ang target na 4 milyong bagong botante.

Mamamahagi rin ng flyers ang mga kawani ng Komisyon para sagutin ang mga madalas itanong hinggil sa botohan.

Noong Enero, ibinalita ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na wala pa sa dalawang milyong bagong botante ang naitala nila mula nang nagsimula ang registration noong Setyembre 2020. Kulang pa ito nang halos tatlong milyon kumpara sa orihinal na target.

Para naman makaakomoda ng mas maraming aplikasyon ay pinalawig nila ang oras ng talaan, ngayon, mula Martes hanggang Sabado, 8:00-5:00 n.h.

Paano magparehistro?

  1. Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga nakaboto sa nagdaang SK elections ay hindi kailangang muling magparehistro.
  2. Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h.
  3. I-fill out ang online registration form sa iRehistro: https://irehistro.comelec.gov.ph/. Tatlong ulit itong i-print sa 8.5×13” na papel at dalhin sa pinakamalapit na Comelec. Pirmahan ang pormularyo sa harap ng Election Officer.
  4. Bagaman hindi naman kailangan, mainam pa ring magdala ng katibayan na ikaw ay 18 taong-gulang sa araw ng halalan – birth certificate at/o valid ID.
  5. Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
  6. No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
  7. Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
  8. Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
  9. Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (thepost.net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.