PATULOY NA SUBSIDIYA PARA SA INTERNET, GADGET NG MGA GURO ISINUSULONG
ISINUSULONG ng isang grupo mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños ang mas mataas at tuloy-tuloy na subsidiya para sa internet at gadget ng mga guro hanggang matapos ang remote learning.
Sa ginanap na Teaching Personnel Assembly ng Academic Union ng UP-Los Baños, nanawagan din ang mga guro na magkaroon ng mga programang susuporta sa kanilang kalusugan.
“No teachers left behind as well. Bigyan ng mas mataas at tuloy-tuloy na subsidy (internet, gadget) hanggang nag-ooperate ang online at remote learning. Magkaroon ng mga programa at pasilidad para tiyakin ang physical, mental, at emotional well-being ng mga guro,” sabi ng grupo.
“Ibigay ang laya at sapat na panahon sa mga guro na kumonsulta sa mga mag-aaral at suriin ang kalagayan ng bawat mag-aaral (case-to-case basis) para sa pagmamarka. Bigyan ng opsiyon ang guro na magbigay ng numeric grade, ‘Pass’ mark, o ‘di kaya ay deferred grade, alinman sa mga ito ang pinaka-compassionate at pinakaangkop sa isang mag-aaral,” dagdag pa nito.
Humihingi rin ang grupo ng free swab testing para sa skeletal workforce at sa mga magbabalik eskwelang estudyante.
Ang programa ay dinaluhan ng mga faculty, lecturer, teaching assistant, teaching fellow, at REPS na may teaching load sa unibersidad.