Letters of Youth

BYAHE SA PANDEMYA

/ 23 November 2020

Beep! Beep! Beep! Beep!

Isa na lang! isa na lang!

Isa na lang ang kulang!

Tara na sa byahe patungo sa kasalukuyan.

 

Naririnig mo ba?

Ang kalembang ng kampana ng simbahan.

Ito na ang hudyat ng panibagong araw.

 

Maghanda ka na sa unang destinasyon,

Babalikan muna natin ang lumipas na kahapon.

 

Naririnig mo ba?

Ang ingay ng mga kabataang naglalaro mula sa malayo.

Patintero, tumbang preso, piko at trumpo.

Nakikita mo ba?

Ang mga ngiting gumuguhit sa kanilang mga mukha.

Nararamdaman mo ba?

Ang init ng mga haplos at yakap mula sa kanila.

Tila nababalot sila ng walang kapantay na saya.

 

Masdan mo ang isang babae mula sa malayo,

Titigan mo ang dala dala nitong pamalo.

Ito na ang hudyat na ang oras ay lumipas na.

kailangan ng umandar,

patungo na tayo sa ibang lugar.

 

Tayo na sa panibagong destinasyon,

ang makabagong panahon.

 

Heto na! heto na!

Akin ng ipapakita.

 

Facebook, Messenger, ML, Twitter at Instagram.

Ito na ang kanilang bagong libangan

Hindi mo na maririnig ang dating sigawan, tawanan at biruan

Kakaibang mundo na ang kanilang ginagalawan.

 

Nabababad sa social media

Kinain na ng teknolohiya ang buong sistema.

Mall ang naging rampahan.

Iba’t ibang makamundong bagay ang pinag aaralan.

 

Utusan mo’t ika’y sisigawan

Pangaralan mo’t ika’y dadabugan

Tila yata’y iba na ang nais tularan

Nakadidismayang pagmasdan.

Kung ito ang makikitang mga larawan.

 

Mag tungo tayo sa isang lugar,

Kung saan may isang pandemyang di malunasan,

Masdan ang mga kabataan,

Sabik lumabas sa kani-kanilang tahanan.

Ang dating mga galaan ay di na mapuntahan.

Ang dating tambayan ay di namamasdan.

 

Ang dating oras sa social media ay mas lalong nadagdagan.

Ang dating pagandahan sa rampahan ay naging pagandahan sa larawan.

Ang dating oras sa paaralan at naging oras ng libangan.

 

May maganda rin naman itong dulot sa kabataan,

Mas nakikilala ang totoong katauhan.

Mga tinatagong galing ay kanilang nagigising.

Talentong di inaasahan ay kanilang natuklasan.

 

Isang nakakapanibagong senaryo ang bumubungad sa mga kabataang tulad ko.

Pero hindi hadlang ito upang tahakin ang panibagong yugto.

Ang lahat ay nagbago na. Ang kahapon ay lumipas na,

Ngutin ano man ang dumating taas noong haharapin.

Dala ang katagang “kabataan ang pag asa ng bayan”.

Tayo ay patuloy na lalaban.

Ikaw ako tayo bilang mga kabataan sa New Normal

Baunin natin ang mga magagandang aral.

 

Ano man ang kanilang mga sinasabi,

Patuloy pa rin ang ating byahe.