Region

LUPA NG UPLB IPAMAMAHAGI SA MGA MAGSASAKA

/ 22 November 2020

SINIMULAN na ng Department of Agrarian Reform City Office ng La Carlota, Negros Occidental ang dalawang araw na assesstment ng Potential Agrarian Reform Beneficiaries para sa lupang sakop ng University of the Philippines Los Banos College of Agriculture and Food Science sa Barangay La Granja.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer Enrique Paderes, sila ay nagsagawa na ng pulong-pulong kasama ang ilang key persons ng lungsod upang maihanda ang sukat ng land coverage, pati ang borador ng implementing rules and regulation sa posibleng nalalapit na pamamahagi ng lupa ng UPLB.

Gayundin, minamadali na nila ang mga kinakailangang proseso para agad na itong maibigay sa mga magsasakang nangangailangan ng lupaing pagsasaka.

Hinimok naman ni La Carlota Mayor Rex Jalandoon ang mga katuwang na ahensiya na markahan bilang ‘urgent’ ang screening and selection process ng mga PARB.

“We are now excited and determined to bring this project into full realization,” sabi ni Jalandoon.

Batay sa unang pagsusuri, nasa 228 ektaryang ari-arian ng UPLB ang handang ipamahagi, sa ilalim ng land acquisition and distribution process ng DAR.

Sinabi ni DAR Western Visayas Lawyer Atty. Sheila Enciso na ang lupang sabjek sa LAD ay dapat na makumpleto at maipamahagi sa ARB bago matapos ang 2020.