TEACHERS MEDICAL BENEFITS HINDI KASAMA SA 2021 BUDGET NG DEPED
PINUNA ni Senate Committee on Basic Education, Culture and Arts chairman Sherwin Gatchalian ang hindi paglalaan ng pondo para sa medical benefits ng mga guro sa ilalim ng proposed 2021 budget ng Department of Education.
Sa plenary discussion para sa P562 billion 2021 proposed budget ng DepEd, sinabi ni Gatchalian na sa mga nakaraang taon ay may kabuuang P500 million na alokasyon para sa P500 kada buwan na allowance ng mga guro para sa kanilang annual check up.
“I saw in the committee report that there is no allocation for the medical benefit for teachers. Traditionally, the teachers get about P500 a month and the total amount of that is about P500 million a year,” pahayag ni Gatchalian.
Iginiit ni Gatchalian na sa panahon ng Covid19 pandemic, mas kailangan ng mga guro ang naturang benepisyo.
Ipinaliwanag naman ni Senadora Pia Cayetano, sponsor ng budget ng DepEd, na maging sa National Expenditure Program ng Department of Budget and Management ay hindi rin nakasama ang alokasyon.
Gayunman, sa rekomendasyon ng Committee on Finance para sa panukalang budget, ipinasok ang medical benefits sa allowances ng mga guro.
Nangangahulugan ito na may opsyon ang mga guro na gamitin ang pondo para sa kanilang medical check up o sa iba pang bagay.
“We increased that budget by about P2 billion and they can now use that if they want to use it on their medical,” paliwanag ni Cayetano.
Binigyang-diin pa ni Cayetano na iniiwasan din nilang magkaroon ng overlapping sa alokasyon ng budget dahil may plano rin ang Philhealth na maglunsad ng Konsulta Program o para sa out patient consultation kung saan maaaring makinabang ang mga guro.
“I just don’t want there to be an overlap because as PhilHealth members they will also be getting this konsulta. I just want to be consistent with the very limited funding that we have,” diin pa ni Cayetano.