P500-M PAUTANG NG LANDBANK SA MGA PAARALAN APRUB NA
APRUBADO na sa Land Bank of the Philippines ang P500 milyong pautang para sa 12 paaralang apektado ng krisis pangkalusugang dulot ng Covid19.
Ang pautang, sang-ayon sa pahayag ng Land Bank, ay para makatulong sa mga mag-aaral na nagnanais pa ring makapagpatuloy ng pag-aaral subalit nahihirapang tustusan ang mga pinansyal na pangangailangan.
Ito ay nakapaloob sa Access to Academic Development to Empower the Masses towards Endless Opportunities – ACADEME Lending Program ng Land Bank.
Tampok sa ACADEME ang ‘study now, pay later’ program ng bangko na nagpapatuloy sa buong Filipinas kahit pa may krisis at sunod-sunod na sakuna.
Ayon kay Landbank Chief Executive Officer Cecilia Borromeo, hinihintay na lamang nila na makumpleto ng 12 paaralan ang mga dokumento bago ibigay ang pondo.
Bukod dito ay 14 pang paaralan ang nakapila para maging benepisyaryo ng programa. Mayroon ding 29 pang dadalo sa information caravan na nagbabakasakaling mag-aplay upang mas maraming mag-aaral ang makapag-enroll hanggang sa mga susunod na semestre.
“Lending units nationwide continue to work closely with applicant-schools to complete their requirements as we process a pipeline of loan applications with approvals at various levels based on amount,” sabi ni Borromeo.
Ang ACADEME lending program ay bukas sa mga pribadong high school at senior high school na akredito ng Department of Education, sa mga technical-vocational education training center na rehistrado sa Technical Education and Skills Development Authority, gayundin sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad na awtorisado ng Commission on Higher Education.