PAMAMAHAGI NG STUDENT FINANCIAL AID SA EASTERN SAMAR PATULOY
PATULOY pa rin ang pamamahagi ng financial assistance ng pamahalaang lokal ng Eastern Samar sa mga ‘poor, marginalized, but deserving student’ ngayong panahon ng pandemya sa ilalim ng programang ‘Bulig Para Estudyante’.
Ayon kay Phres Evardone, ang pinuno ng Eastern Samar Bureau of the Provincial Governor’s Office, noong nakaraang linggo ay nagpamahagi sila ng ayuda sa 365 na mga mag-aaral. Nasa P3,000 ang natanggap ng bawat isa.
Bukod dito, mayroon pang 2,263 na mga student-scholar ng Eastern Samar State University ang madaragdag sa listahan ng mga makatatanggap ng tulong.
Target ng pamahalaang lokal na matapos ang payout ngayong buwan hanggang sa unang linggo ng Disyembre.
Sinumang mag-aaral na naka-enroll sa isang college degree, vocational course, at technical course saanmang pampublikong paaralan, mga naka-enroll sa review classes, at mga graduate student na walang trabaho ay maaaring mag-aplay para sa nasabing scholarship program.
Kailangan lamang nilang bisitahin ang PGO o ang Provincial Social Welfare and Development Office para makakuha ng application form at listahan ng isusumiteng requirements.