Nation

FARMERS PINAGMUKHANG YAGIT SA DEPED MODULE; NETIZENS UMALMA

/ 19 November 2020

VIRAL na naman sa Facebook ang isang self-learning module ng Department of Education na nambastos sa imahe ng mga magsasaka sa Filipinas.

Ipinost ni Jenice Ramiro ang ilang pahina ng module na natanggap ng kaniyang anak para sa Grade 3 English. Mayroon itong retrato ng pamilyang magsasaka na gula-gulanit ang damit, nangangayayat ang pangangatawan, madudungis ang mukha, at ang isang bata’y nakahubad pang animo’y pulubi.

Nakadidismaya ito para kay Ramiro sapagkat tila binastos ng DepEd ang marangal na hanapbuhay ng mga magsasaka at tila itinuturo sa mga bata na naghihirap ang mga taong nagpapagal para mayroong makain ang mga Filipino sa araw-araw.

“Napansin ko lang ito habang nagbabasa ng module ang anak ko sa English Grade 3. Bakit kaya ganito ang larawan ng pamilya ng farmer? Gula-gulanit ang mga damit, madungis at may hubad pa na bata. Napakababa naman po ng pagkakalarawan nila sa magsasaka. Paano naman po natin maeengganyo ang mga bagong henerasyon na magsaka kung ganyan? Nakakasakit ng loob,” sabi ni Ramiro.

Dagdag pa niya, wala namang mali sa naratibo bukod doon sa retrato. Nakababahala umano ang insidente at ang sunod-sunod na pagkakamali ng DepEd.

Wala pang pahayag ang kagawaran sa insidenteng ito at hinihintay pa ang aksyon ng Error Watch Team. Hindi rin tiyak kung aprubado at pumasa ito sa quality assurance committee ng mga self-learning module bago ipinamahagi sa mga bata.