SENIOR HIGH STUDENT PATAY SA HAZING SA ZAMBOANGA
DEAD on arrival ang isang senior high school student sa Lungsod ng Zamboanga matapos na mapuruhan sa hazing ng sinalihang fraternity noong Linggo ng umaga, Nobyembre 15.
Ang biktima ay kinilalang si Joselito Envidiado, 21, mag-aaral ng Zamboanga City National High School-West at taga-Sarangani Drive, Barangay San Jose Gusu.
Sa imbestigasyon ni Capt. Yashier Sarikin ng Zamboanga Police, ang hazing ay tinatayang naganap alas-10 ng umaga sa bahay ng isa sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi Triskelion – San Jose Gusu Chapter na si Fidel Cubol.
Anim ang bagong recruit ng Tau Gamma Phi. na pawang dumaan sa initiation rites na dinaluhan ng nasa 18 kalalakihan.
Hindi ito natunugan ng barangay o kahit ng mga kapitbahay sapagkat walang narinig na anumang kakaibang ingay ang mga taong malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Subalit, matapos na bugbugin si Envidiado ay kumaripas palabas ng village ang mga suspek na lumikha ng komosyon.
Iyon na ang oras na itinakbo ng dalawang fratmen na sina Marcelino Vinas, Jr. at Joseph Villaroses ang bugbog-saradong si Envidiado sa Zamboanga City Medical Center kung saan hindi na ito umabot nang buhay.
Nahuli ang kinikilalang pinuno ng Tau Gamma Phi na si Ruben Sebastian. Nakuha sa kanila ang isang sakong naglalaman ng paddle na pinaniniwalaang ginamit sa hazing kay Envidiado.
Labindalawa sa 18 miyembro ng fraternity ang nadakip ng pulisya. Itinuro nilang mastermind si Vinas pero lahat sila’y mahaharap sa paglabag sa Anti-Hazing Law.