SWAB TEST NG FACULTY SASAGUTIN NG PUP
TUTULUNGAN ng Polytechnic University of the Philippines ang sinumang miyembro ng pakuldad na nangangailangang sumailalim sa swab testing ngayong patuloy sa pagtaas ang kaso ng Covid19.
Ito ay ayon sa memorandum na nilagdaan ni PUP President Manuel Muhi noong Nobyembre 4 kaugnay sa panuntunan sa pagbibigay ng pinansyal na ayuda sa mga empleyadong nangangailangan ng real-time polymerase test.
Nakasaad sa memorandum na ang lahat ng regular at part-time faculty members at regular at kaswal na kawani ng administrasyon ay maaaring makatanggap ng P6,000 para makapag-swab test basta sila’y may sintomas ng virus o nagkaroon ng close contact sa isang Covid19 patient.
Sa porma ng reimbursement ang nasabing tulong. Hanggang dalawang beses pwedeng magpa-reimburse ang miyembro ng pakuldad upang saklawin ng pamantasan ang mga nagastos para sa testing.
“The maximum amount of subsidy is six thousand pesos per test. This may be given in the form of reimbursement subject to existing rules and regulations. Any amount in excess of six thousand pesos shall be shouldered by the employee,” nakasaad sa memo.
“The coverage is limited to two tests per employee. However, the limitation does not apply to medical frontliners, drivers, administrative and security personnel assigned at the gates, who may avail of the subsidy during quarterly testing.” dagdag pa nito.