Region

MODULES PALIT GULAY SA SAGAY, NEGROS OCCIDENTAL

/ 15 November 2020

NAIS ng Eco-Zone National High School sa Lungsod ng Sagay, Negros Occidental na hikayatin ang mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak sa pagsagot ng self-learning modules kaya inilunsad nito ang programang ‘Module Mo, Veggies Ko’.

Ang ‘Module Mo, Veggies Ko’ ay inisyatiba ng EZNHS, sa pakikiisa ng lokal na pamahalaan ng Sagay.

Layunin nitong hikayatin ang mga magulang na kumuha at magsauli ng modules sa takdang oras para masigurong ang pag-aaral ng mga bata’y hindi mapababayaan.

Ang sistema, sa tuwing magbabalik ng module ang magulang at kukuha ng bago, sila’y bibigyan ng libre at sariwang mga gulay mula sa ‘Gulayan sa Eskuwelahan’ project ng paaralan.

Samu’t saring pananim ang makikita sa gulayan at kilo-kilo rin kung ito’y ibigay sa mga magulang. Mayroong kamatis, talong, beans, repolyo, at iba pang maaaring lutuin o pagkakitaan.

Ayon kay EZNHS Teacher-in-Charge Myla Rivera, ang programa’y pagpapayabong ng una nitong bugso noong 2019 kung saan sila ay nagbigay ng libreng gulay sa mga magulang na ie- enroll ang kanilang anak at pagpapatuluyin sa pag-aaral.

Sinabi niya na dahil sa libreng gulay ay tumaas ang enrollment ng paaralan mula 365 hanggang 483 ngayong taon.

“We’re very glad [about] the results, and we’re happy that we were able to help since some parents lost their jobs because of the pandemic,” wika ni Rivera.

Nakapagpamigay na sina Rivera ng higit sa 50 kilos ng pechay noong Abril sa pagsisimula ng proyektong Gulayan. Limang magulang na rin ang nagboluntaryong mangalaga araw-araw sa 5,000 metro kuwadradong taniman.