Nation

SEN. LACSON: P6.5-B PONDO PARA SA ‘LAST MILE SCHOOLS’ INIPIT NG DBM

PINUNA ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang listahan ng prayoridad na mga proyekto ng Department of Budget and Management sa implementasyon ng General Appropriations Act.

/ 12 November 2020

PINUNA ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang listahan ng prayoridad na mga proyekto ng Department of Budget and Management sa implementasyon ng General Appropriations Act.

Sa budget deliberations sa Senado, tinukoy ni Lacson ang ilang institutional amendments na kanilang ginawa sa 2020 national budget na hindi inilabas ng DBM at isinama sa ‘For Later Release’ label.

Kabilang dito ang ilang programa ng Department of Education, partikular ang Last Mile Schools Program na pinaglaanan ng Senado ng P6.5 bilyon subalit hindi inilabas ng DBM.

Umaabot din sa P602.7 milyon ng P6.47 bilyon na pondo para sa school-based feeding program, gayundin ang P107.5 milyon ng P2.1 bilyong pondo para sang Quick Response Fund ng DepEd, ang isinama sa ‘For Later Release’.

“Hiningi ito ng DepEd, hindi ito sarili kong initiative. This was requested by DepEd during budget call hiningi nila ito,” diin ni Lacson.

Naisama rin sa ‘For Later Release’ ang P100 milyong pondo para sa Free Internet Wifi Connectivity in State Universities and Colleges sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology.

“These are all institutional amendments sa DICT. Kung naibigay ito,  baka next year mayroon na tayong national broadband,” sabi pa ni Lacson.

Umapela si Lacson sa DBM na igalang ang ‘power of the purse’ ng Kongreso at ilabas ang mga inilaang pondo na inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Na-tag as FLR, effectively encroaching the power of the purse, it’s like 2nd wave of veto. We appeal to DBM kung pwedeng igalang naman ang power ng Congress sa budget. Nasa amin ang authorization baka naman pwedeng marespeto ang authorization phase, that’s ours,” giit pa ng senador.