Region

RADYO, MODYUL GAMIT SA NAGUILIAN, ISABELA SA DISTANCE LEARNING

/ 10 November 2020

BAGAMAN maraming paraan para hindi maputol ang edukasyon, sinabi ni Naguilian, Isabela Mayor Juan Capuchino na modyul at radyo ang gamit sa pag-aaral ng mga estudyante sa kanilang lugar ngayong ipinagbabawal ang face-to-face classes dahil sa Covid19 pandemic.

Sa panayam ng The POST, sinabi ni Capuchino na gumagamit ng radyo ang mga estudyante ng Naguilian National High School sa distance learning.

Ginagamit ito ng mga estudyante mula Grade 7 hanggang 12. Ang mga aralin ay ineere araw araw sa 101.5 FM radio station.

Samantala, namamahagi naman ang lokal na pamahalaan ng modules sa mga estudyante.

“Kami ang nag-purchase ng printer for the modules, utilizing the SEF (Special Education Fund). We purchased three printers,” sabi niya.

Nilinaw naman niya na walang gumagamit ng online sa kanilang bayan at inaming kulang ang SEF para matugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng estudyante ng Naguilian.

Sa kasalukuyan ay may 26 pampublikong eskwelahan sa elementarya at sekondarya sa naturang bayan.