Nation

MGA KABATAAN IMULAT SA PAGLABAN SA KORUPSIYON — SOLONS

/ 8 November 2020

SA GITNA ng patuloy na malawakang katiwalian sa bansa, naniniwala sina CIBAC Partylist Representatives Eduardo ‘Bro. Eddie’ Villanueva at Domingo Rivera na dapat na ring imulat ang kabataan sa paglaban sa mga iregularidad sa gobyerno.

Dahil dito, inihain nina Villanueva at Rivera ang House Bill 581 o ang proposed Anti-Graft and Corrupt Practices Information and Education Act.

“Corruption has been an affliction of the Philippine society for many years bringing adverse effects to the people. Rampant corruption in various forms such as bribery, embezzlement, backdoor deals, and other exist throughout the country causing manipulative justice, flagging economy, grinding poverty among the people, and people’s mistrust to the government,” pahayag ng dalawang kongresista sa kanilang explanatory note.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na sa kabila ng mga pagsisikap ng pamahalaan na malunasan ang problema sa katiwalian sa pammagitan ng pagsasabatas ng iba’t ibang pagpaparusa, hindi pa rin ito nagiging epektibo.

At dahil sa pagpapatuloy ng corrupt practices, sinabi nina Villanueva at Rivera na nakakaugalian o nakakasanayan na ito maging ng kabataan.

Sa House Bill 581, minamandato ang pagsasama ng anti-corruption materials sa basic educaton curriculum upang bigyang-diin ang papel ng mga estudyante sa paglaban sa katiwalian.

Batay sa panukala, isasama sa basic education ang kaalaman hinggil sa mga epekto ng katiwalian at hikayatin ang kabataan na makiisa sa pakikipaglaban sa graft and corruption.

Minamandato rin sa panukala ang pagtiyak na magkakaroon ng sapat na kaalaman at kapabilidad ang mga estudyante na labanan ang korupsiyon sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila ng mga karapatan at responsibilidad ng mamamayan sa pamahalaan.

Nakasaad din sa panukala na mandato ng Department of Education na tiyakin na ang pagtuturo ng anti-corruption education materials ay gagawin sa positibong paraan.