DEPED MAY LIBRENG WEBINAR SA PAGGAWA NG LEARNING PRESENTATIONS
MAGSASAGAWA ang Department of Education ng libreng webinar sa paggawa ng learning presentations para sa mga guro.
“Calling all teachers! Sumali sa ating webinar series sa paggawa ng design at matutong lumikha ng presentations, lessons, activity sheets, at iba pang learning materials sa tulong ng Canva,” pahayag ng DepEd sa kanilang official Facebook post.
Ayon sa DepEd, ito ay para maging epektibo ang edukasyon kahit pa distance learning ang ginagamit.
“Gawin nating mas masaya at mas epektibo ang pagtuturo at pag-aaral sa distance learning,” dagdag ng ahensiya.
Gaganapin ang webinar tuwing Biyernes, simula ngayong araw, Nobyembre 6, hanggang Disyembre 4, alas-7 ng gabi.
Ngayong araw, ang tatalakayin ay ang Intro to Canva for Education and Canva 101, sa Nobyembre 13 ay Designing Educational Content, sa Nobyembre 20 ay Graphic Design Basics, sa Nobyembre 27 ay Presentations to Impress at sa Disyembre 4 ay Canva Tips and Tricks.
Hindi na kailangang mag-register ang mga guro dahil ito ay ieere sa official Facebook page ng DepEd.