DEPED REGION 11 SA MGA MAGULANG: BANTAYAN N’YO ANG INYONG MGA ANAK
PINAALALAHANAN ng Department of Education Region 11 ang mga magulang na bantayan ang kani-kanilang mga anak habang nag-o-online class.
Ginawa ni DepEd 11 Spokesperson Jenielito Atillo ang paalala matapos na magbigay ng komento si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nahuhuli ng lokal na pamahalaan na pakalat- kalat ang mga bata sa kalsada kahit oras ng pag-aaral.
“We are happy with the observations of Mayor Sara and that we have the same observation too,” sabi ni Atillo.
Naglabas naman ng bagong memorandum si DepEd Regional Director Evelyn Fetalvero para gumawa ng mga mekanismo ang bawat Schools Division Office sa kung paano matsi-check ang attendance ng mga mag-aaral kahit na walang face-to-face classes.
Susog ito sa pinakabagong Executive Order No. 57 ni Duterte-Carpio na nag-uutos sa mga guro na bisitahin ang mga estudyante upang masigurong pumapasok ang mga ito at hindi naglalaro sa kalsada.
“All Department of Education schools class advisers must have a regular schedule of compliance checks of students and their performance tasks according to their modules. Checking must be unannounced and conducted at random times from Monday to Friday within the hours of 7AM to 4PM,” nakasaad sa EO.
Gayundin, sinumang mag-aaral na wala sa tahanan sa oras ng klase ay dapat na bawasan ng marka, ayon kay Duterte-Carpio.
Sinang-ayunan ito ni Fetalvero kaya agad siyang nagpadala ng memo at nagpatawag ng pulong sa SDO Superintendents upang agad na maaaksiyunan.
Diin niya, sa panahon ng pandemya, ang bawat isa ay dapat na magtulungan. Gagawin ng guro ang kanilang makakaya at dapat na gayundin ang mga magulang.