Nation

LIGA NG MGA MAGULANG SA NPA: PAUWIIN N’YO NA ANG AMING MGA ANAK!

/ 31 October 2020

NAGMAMAKAAWA ang mga miyembro ng League of Parents of the Philippines sa New People’s Army  na hayaang nang makauwi ang kanilang mga anak upang makabalik na umano sa pag-aaral at mamuhay nang normal.

Ang LPP ay samahan ng mga magulang na nawawala ang mga anak na umano’y ni-recruit ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front na kanilang nakikilala habang nag-aaral sa sekondarya at sa kolehiyo.

Binuo ng mga magulang ang grupo para bigyan ng kaalaman ang publiko sa anila’y mapanlilang na mga taong nais i-recruit ang mga kanilang mga anak para sumapi sa kanilang grupo.

Ayon kay Jules Ursua, pangulong ng LPP, nagsagawa na rin sila ng pagsisindi ng kandilang puti para maliwanagan ang kanilang mga anak na matagal nang nawalay at upang ipabatid din sa mga mag-aaral at mga magulang na masarap mamuhay nang normal gaya ng kasama ang pamilya.

Isa sa mga magulang ang nagsabing labis silang nag-aalala kung ano na ang kinahinatnan ng kanilang mga anak lalo na’t babae ito na na-recruit habang nag-aaral.

Kahapon ay dumulog sa Camp Crame ang LPP para hingin ang tulong ni PNP Chief, Gen. Camilo Pancratius Cascolan upang masagip ang kanilang mga anak na ilang taon nang hindi umuuwi sa kanila.

Muling nanawagan ang grupo sa kanilang mga anak na umuwi, gayundin sa iba pang mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak upang hindi matulad sa kanilang sinapit na wala nang kapanatagan ang pag-iisip dahil sa pag-aalala.

Umapela rin ang LPP sa mga unibersidad at guro na i-monitor ang kanilang mga mag-aaral sa loob ng campus dahil karaniwang nagaganap ang recruitment sa paaralan.