DEPED PINAGSABIHAN: ‘WAG I-TENKYU’ ANG SERBISYO NINA TITSER
MAITUTURING na exploitation sa mga guro ang hindi pagkilala sa kanilang serbisyo sa panahon na hindi pa lumalabas ang kanilang appointment papers.
Ito ang binigyang-diin ni Action Solidarity for the Empowerment of Teachers Secretary General Fidel Fababier kaugnay sa naging pahayag ng Department of Education na nakatutugon sila sa Section 20 ng Magna Carta for Public School Teachers na may kinalaman sa tamang pagpapasahod.
Sinabi ni Fababier na naging practice na sa ilang division ng DepEd ang pagkuha ng may 200 bagong guro subalit kadalasang nagiging libre ang serbisyo nila bago pa dumating ang kanilang appointment papers.
Ayon kay Fababier, kadalasang inaabot ng tatlong buwan bago mailabas ang papeles ng mga bagong guro.
“Pagdating pa lang ng appointment papers saka pa lang kine-credit. Hindi po dapat kilalanin na TY o tine-thank you lang ang teacher sa loob ng tatlong buwan. This is simple and pure exploitation po na Senate should look into,” diin ni Fababier.
Kaugnay nito, hiniling ni Education Undersecretary Tonisito Umali kay Fababier na magprisinta sa kanila ng mga datos at eksaktong detalye kaugnay sa mga serbisyo ng mga guro na hindi nabayaran.
“Kung may paglabag titingnan natin ‘yung sinasabi niyang T.Y. lamang at kung makapagbigay siya ng specific instances aaksiyunan natin agad,” pahayag ni Umali.
“Hahanapin natin ay mga sitwasyon na ang guro ay nag-take oath, nag-assume ng office complied with Civil Service Commission at nagsimula na ng first day of service at na T… ‘Yan po ang aming hahanapin at kung kaya i-forward at titingnan natin ‘yun dahil napaka-unfair naman talaga nun,” dagdag pa ng opisyal.