TEACHING HOURS SA PINAS PINAKAMATAAS SA BUONG MUNDO
KINUMPIRMA ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairperson Sherwin Gatchalian na ang Filipinas ang may pinakamataas na teaching hours sa buong mundo.
Sa pagdinig ng komite kaugnay sa implementasyon ng Magna Carta for Teachers, iprinisinta ni Gatchalian ang datos ng Organization for Economic Cooperation and Development kung saan lumitaw na nasa 1,218 ang teaching hours kada taon sa Filipinas, habang ang ibang bansa ay may 700 oras lamang.
Lumitaw rin sa pag-aaral na sa ibang bansa ay bumababa ang teaching hours habang tumataas ang grade level.
“Ang punto ko lang dito, tayo ang pinakamataas. Six hours lang nga, pinakamataas pa rin tayo. In some countries, four hours lang. We owe it to the teachers to support them so that they can focus on teaching,” pahayag ni Gatchalian.
Inihayag naman ni Education Undersecretary Jesus Mateo na isa sa nakikita nilang paraan upang mabawasan ang load ng mga guro ay ang pagkuha ng mga tauhan para sa non- teaching positions na sinuportahan naman nina Senador Imee Marcos at Gatchalian.
“I feel very strongly about this, it really enriches the experience of the children and the school becomes fully integrated in the community and of course, it liberates teachers from non-teaching errands and chores,” pahayag ni Marcos.
Hiniling din ni Gatchalian sa DepEd na magsumite ng budgetary at manpower requirement para sa pag-hire ng mga empleyado sa non-teaching positions upang maisulong nila ang alokasyon ng pondo para rito.
Nilinaw naman ni Mateo na posibleng umabot pa ng lima hanggang 10 taon ang pagkuha nila ng mga empleyado para sa non-teaching positions bago tuluyang mabawasan ang work load ng mga guro bukod sa pagtuturo.
Samantala, iginiit ni Marcos na pag-aralan din ng DepEd na payagan ang mga lokal na pamahalaan na isama na sa pag-uukulan ng Special Education Fund ang suweldo ng mga clerical, janitorial, security at cafeteria staff sa mga paaralan.