KAMPANYA VS TUBERCULOSIS PALALAKASIN SA MGA PAARALAN
NAIS ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na palakasin ang national program para sa paglaban sa tuberculosis na isa pa rin sa public health concern sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.
Sa Senate Bill 1748, isinusulong ni Go ang pagbabago sa ilang probisyon ng Republic Act 10767 upang palawakin ang mandato ng education agencies sa pagsusulong ng kampanya laban sa TB.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Go na batay sa ulat ng World Health Organization noong 2019, nasa isang milyong Pinoy ang may active TB disease at ang Filipinas ang ikatlo sa may pinakamataas na kaso ng sakit kasunod ng South Africa at Lesotho.
“It is a highly curabe disease. Yet, it is the number one killer among all infectious diseases. Everyday more than 70 people lose their lives to TB in the Philippines needlessly. Many more patients develop drug resistant tuberculosis, which are more expensive and difficult to treat,” pahayag ni Go.
Batay sa panukala, mandato ng Department of Education, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, katuwang ang Department of the Interior and Local Government, na bumuo ng comprehensive program para sa pagsuporta sa mga TB victim at kanilang mga pamilya.
Nakasaad din sa panukala na pangungunahan ng CHED ang mga faculty ng iba’t ibang school of medicine, nursing o medical technology at iba pang health institutions para paigtingin ang information and education programs, kabilang na ang pagbuo ng curricula, para matutunan ang ‘principles and practices of preventing, detecting, managing and controlling TB’.
Pinatitiyak naman sa DepEd na maisama sa basic education curriculum ang modules na may kinalaman sa pagtukoy, pag-iwas, pamamahala at pagkontrol ng sakit.
Minamandato rin sa panukala ng senador ang pagbuo ng TB Registry at monitoring system kung saan inaatasan ang bawat public at private health center, hospital at health facility, kabilang ang mga clinic na bumuo ng sarili nilang TB registry na saklaw ang lahat ng uri ng TB.