Nation

PUBLIC ELEM SCHOOLS PINALILIBRE SA MUSEUMS, HISTORICAL SHRINES

/ 28 October 2020

SA LAYUNING mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga batang estudyante sa kasaysaysan ng bansa, nais ni An Waray Partylist Rep. Florencio Noel na gawing libre ang admission ng mga ito sa mga museo at national shrines at landmarks sa bansa.

Sa pagsusulong sa House Bill 5138, sinabi ni Noel na dapat mabigyan ng oportunidad ang lahat ng public school children sa pagbisita sa mga museum at historical shrine nang walang dagdag na gastos sa kanilang mga magulang.

“Museums and historical shrines provide an avenue for the commemoration of our history and cultural heritage. Public school children will have a richer appreciation of our history and culture through their exposure to these institutions,” pahayag ni Noel sa kanyang explanatory note.

Alinsunod sa panukala, ang libreng akomodasyon sa mga estudyante  ay nakadepende sa kapasidad at availability na tutukuyin ng National Museum o ng National Historical Commission of the Philippines.

Sa sandaling maisabatas ang panukala, babalangkas ng rules and regulations ang National Museum at NHCP katuwang ang Department of Education sa implementasyon nito.

Kinumpirma naman ng kongresista na una nang inaprubahan sa 3rd and final reading ang kahalintulad na panukala noong 17th  Congress subalit hindi tuluyang naisabatas dahil sa kakapusan ng panahon.