Nation

HYGIENE FACILITIES ITINAYO SA DAGUPAN

/ 27 October 2020

NAGPATAYO ng water impounding facilities ang university-based organization na Red Cross Youth Council – University of Luzon para sa mga residente ng Lungsod ng Dagupan sa Pangasinan

Sa isang panayam, sinabi ni UL Extension Services Director Dr. Carmelo John Vidal na ang inisyatiba ay kinonseptuwalisa at isinakatuparan ng RCYC sa ilalim ng kanilang programang Water Impounding for Sanitation and Health o WISH to Heal.

Sa husay ng project proposal ay sinuportahan pa sila ng Red Cross Netherlands sa pamamagitan ng isang seed grant.

Ang una nilang benepisyaryo ay ang barangay  ng Malued. Pinatayuan nila ito ng isang water impounding facility na libreng magagamit ng mga naninirahan doon.

“Kapag nagsama-sama ang mga kabataan, they come up with very meaningful programs such as [the] WISH [To Heal]. This crisis, we need ganitong klaseng ideas para makatulong sa ating mga kababayan,” wika ni Vidal.

Isinabay sa proyekto ang bagong lunsad na ‘Reaction Mo, Kinabukasan Ko’ ng UL na nagbigay ng hygiene kits at school supplies sa mga batang mula sa indigent families.