Nation

4 COLLEGE TEAMS SASABAK SA NSAC WORLD INVITATIONALS

6 August 2026

HAHARAP sa matinding pagsubok ang apat sa pinakamalalakas na collegiate basketball teams ng bansa sa pagsabak sa National Student-Athletes Championships (NSAC) World Invitationals na gaganapin mula Agosto 14 hanggang 16 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Kakatawan sa Pilipinas sa walong-koponang torneo ang San Beda University, Far Eastern University, University of Santo Tomas, at Jose Rizal University, ang bagong kampeon ng Filoil EcoOil Preseason Cup.

Makakasagupa ng mga lokal na koponan ang dalawang koponan mula sa Japan at tig-isang koponan mula sa Australia at Chinese Taipei sa torneong gagamit ng FIBA rules.

Ayon kay NSAC chief organizer at UAAP commissioner Jai Reyes, malaking pagkakataon ito para masukat ang kakayahan ng mga collegiate team  laban sa mga dayuhang koponan.

“It’s good to see the level of our collegiate teams when up against foreign teams,” pahayag ni Reyes sa Philippine Sportswriters Association Forum nitong Martes.

Nagpahayag naman ng suporta ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa torneo.

Ayon kay SBP 3×3 project director Ryan Gregorio, nakahanay ang naturang kompetisyon sa layunin ng pederasyon na mapaunlad ang antas ng basketball sa bansa.

“To make sure everything is according to our vision to improve basketball in the country,” sabi ni Gregorio. “We need tough competitions to improve. And one way is to embrace FIBA rules, not just for our players but our coaches as well.”

Nagpasalamat din si Reyes sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni chairman Patrick Gregorio dahil sa buong suportang ibinigay nito sa torneo.

“We thank the PSC for presenting the tournament. Hindi mangyayari ito without the support of the PSC,” aniya.

Sinabi naman ni Gregorio na bahagi rin ang torneo ng sports tourism program ng bansa dahil mas kapaki-pakinabang na dalhin ang mga dayuhang koponan sa Pilipinas upang makalaban ang mga lokal na atleta.

“This is also part of the country’s sports tourism program. Gusto natin isulong ‘yan and it’s either we go out of the country or bring them over. Bringing them over is better for us,” ani Gregorio.