2.5-M BATANG BABAE BAKA MAPILITANG MAGPAKASAL DAHIL SA PANDEMYA — SAVE THE CHILDREN
IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na dapat nang itaas ang age of sexual consent sa bansa na 12 taong gulang bilang bahagi ng pagsugpo sa isang maituturing na paglabag sa karapatang pantao matapos magbabala ang mga eksperto na maaaring umakyat ang bilang ng child marriages sa gitna ng pandemya.
Ang pagpapakasal ng isang menor de edad ay maituturing na child marriage at bagama’t saklaw nito ang parehong lalaki at babae, mas apektado rito ang mga batang babae.
Batay sa ulat ng Save the Children, maaaring umabot sa 2.5 milyong mga batang babae ang nanganganib na mapilitang magpakasal dahil sa mga naging epekto ng pandemya, kabilang ang pagkaantala ng edukasyon at ang pagbagsak ng ekonomiya.
Noong nakaraang Abril, nagbabala ang United Nations Population Fund na maaaring magkaroon karagdagang 13 milyong child marriages sa susunod na dekada dahil sa mga naging pinsala ng pandemya.
Ayon naman sa United Nations Children’s Fund, ang Filipinas ang panlabindalawa sa may pinakamataas na bilang ng child brides sa mundo.
Samantala, ang age of sexual consent sa Filipinas na 12 taong gulang ang pinakamababa sa Asya at pangalawang pinakamababa sa mundo.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pag-angat sa age of consent ay makatutulong sa pagsugpo sa mga pang-aabuso at karahasang sekswal na dulot ng child marriages. Sa kanyang Senate Bill No. 739, ipinanukala ni Gatchalian ang 18 years old bilang age of consent.
Una nang inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang iakyat sa 16 na taong gulang ang age of consent.
“Ang mga kabataan ay dapat nag-aaral upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan. Hindi dapat napuputol ang kanilang mga pangarap dahil napipilitan silang magpakasal at magkaroon ng responsibilidad sa pamilya nang maaga,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Dahil mas maraming mga panganib ang kinakaharap ng ating mga kabataan sa gitna ng pandemya, lalo nating dapat paigtingin ang mga hakbang laban sa ano mang uri ng karahasan at pang-aabuso,” dagdag ng senador.
Ayon pa kay Gatchalian, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay proteksiyon sa mga kabataan, kabilang ang mga reproductive health service.