Nation

ICT KONEK CENTER INILUNSAD NG PANGASINAN STATE UNIVERSITY

/ 25 October 2020

UPANG makapagbigay-tulong sa mga mag-aaral na naka-enroll ngayong taon sa online at distance learning, minabuti ng Pangasinan State University, kasama ang 22 pamahalaang lokal ng lalawigan, na sama-samang itayo ang Information and Communications Technologies Konek Center.

Layon ng ICT Konek na makapagbigay ng espasyong pampag-aaral, libre at mabilis na internet connection, at computer units sa mga mag-aaral ng PSU na walang sapat na budget upang tustusan ang araw-araw na kahingian ng unibersidad habang ipinagbabawal pa rin ang face-to- face classes dulot ng Covid19 pandemic.

Kinonseptuwalisa ito ng PSU sapagkat batay sa huling tala, 30 porsiyento ng 25,479 na kabuuang populasyon ng unibersidad ay enrolled pero walang internet o gadget man lamang na magagamit sa pagdalo sa online classes.

Naniniwala si PSU President Dr. Dexter Buted na walang mag-aaral na dapat maiwan kahit may pandemya kaya masigasig siyang naghanap ng pondo para sa naturang proyekto.

Hiningan niya ng suporta ang mga pinuno ng bawat lungsod at bayan upang maabutan ng tulong ang mas maraming mag-aaral.

“This is also in response to the guideline to the advisory of the Commission of Higher Education for state universities and colleges to tie-up with local government units in bringing educational materials and information to the students by having support services,” sabi ni Buted.

Tinutukoy niya at binibigyang-pasasalamat ang mga lokal na pamahalaan ng Alaminos, Alcala, Asingan, Bani, Basista, Bayambang, Binmaley, Burgos, Dagupan, Dasol, Infanta, Mabini, Malasiqui, Mangatarem, San Carlos, San Manuel, Sta. Maria, Tayug, Urbiztondo, at Urdaneta.

Bukod sa ICT Konek ay mayroon pang P2 bilyong pondong laan sa pagbili ng tablets at prepaid load para sa ‘poor but deserving’ student-scholars.

Inihayag pa ni Buted na pati ang mga propesor ay inaagapayan nila ng tulong at pagsasanay tungo sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon mula sa kani-kanilang  tahanan.

“PSU has prepared for flexible learning. We were able to train our teaching force to become techno-savvy in the nifty gritty of computer operation.”