20% DISCOUNT SA PASAHE, GAMOT SA PUBLIC SCHOOL TEACHERS
BILANG pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa lipunan, nais ng dalawang kongresista na bigyan ng diskwento ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa transportasyon, health services, hotels, restaurants at recreational facilities.
Inihain nina Ako Bicol Partylist Representatives Alfredo Garbin at Elizaldy Co ang House Bill 87 na nagmamandato sa mga business establishment na bigyan ng discount privileges ang mga public school teacher.
“The worldwide economic crisis, high unemployment rate, soaring prices of basic commodities have severely strained the capacity of the public school teachers to provide a decent and dignified living necessitating the assistance and cooperation of the State,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.
Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng 20 porsiyentong diskwento ang mga public school teacher sa public transport facilities, hospital fees, medical and dental services, gayundin sa drugstores at drug companies; maging sa mga hotel, lodging house, restaurants at eateries, at sa iba pang recreational facilities tulad ng sinehan, concert halls at mga kahalintulad na establisimiyento, kabilang na ang physical fitness facilities .
Upang matugunan naman ang emergency needs ng mga pampublikong guro, inaatasan sa panukala ang mga government lending institution na bigyang prayoridad ang mga ito sa loans na hindi lalagpas sa P20,000.
Nilinaw naman sa panukala na ang diskwento at pribilehiyong nakapaloob dito ay limitado lamang sa personal account ng guro.
Batay rin sa panukala, ang mga tatangging magbigay ng kaukulang pribilehiyo at diskwento sa mga pampublikong guro ay papatawan ng parusang prision correccional o pagkakulong na mula anim na buwan hanggang anim na taon o multang mula P200 hanggang P6,000.