NCAA: LADY RED SPIKERS WINALIS ANG LADY GENERALS
NAGPATULOY ang mainit na simula ng San Beda University Lady Red Spikers sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos na walisin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-19, 25-19, 25-21, kahapon sa San Andres Gym.
Pinangunahan ni Angel Habacon ang Lady Red Spikers sa kanyang 23 puntos mula sa 20 attacks, dalawang blocks, at isang service ace, habang nagsilbing sandigan ng balanseng opensa at matatag na depensa ng San Beda, na umangat sa 2-0 kartada, sa buong laban.
Iniugnay ni Habacon ang kanyang impresibong laro sa kanyang maayos na kondisyon at sa masusing paghahanda ng koponan para sa season. Pinasalamatan din niya ang gabay ng coaching staff ng San Beda.
“Masasabi ko na 100 healthy na ako this season,” ani Habacon. “Also pinaghirapan din naman namin ‘yung preparation namin para this season.”
“It is also a privilege to be under (PVL caliber head coaches like Emilio ‘Kungfu’ Reyes) kaya thankful kami to be under them,” dagdag niya.
Sa unang laro, nakopo rin ng University of Perpetual Help Lady Altas ang ikalawang sunod na panalo matapos magwagi sa straight sets laban sa Jose Rizal University Lady Bombers, 25-19, 25-21, 25-21.
Muling naging sandigan ng Lady Altas si Cyrille Almeniana matapos umiskor ng 18 puntos mula sa 16 attacks at dalawang service aces.