Overtime

LADY ALTAS NAKAISA SA LADY BLAZERS SA NCAA VOLLEY

26 January 2026

MATAPOS ang pitong taon, muling nanaig ang University of Perpetual Help Lady Altas sa College of St. Benilde Lady Blazers, 25-21, 18-25, 25-23, 17-25, 16-14, sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex sa Maynila.

Ginulantang ng Lady Altas ang nagdedepensang kampeon na Lady Blazers para sa kanilang unang panalo laban sa nasabing paaralan mula pa noong NCAA Season 94 playoffs.

“Parang last year, hindi kami nakakaset against Benilde [or even] after no’ng pandemic,” pahayag ni Lady Altas head coach Sandy Rieta sa post-game interview.

“Para sa’kin, marami pa ring kulang. Halos nagagalit na ‘ko kanina dahil sa mga lapses at simpleng bagay na ginagawa namin sa training. Papaalalahanan ko lang sila,” dagdag pa niya.

Napag-iiwanan ang Lady Altas ng tatlong puntos, 11-8, sa deciding set bago bumanat si Jemalyn Menor ng off the block attack na nagsilbing mitsa sa 5-0 ratsada para maagaw ang 13-11 bentahe.

Nagawang itabla ng Lady Blazers ang iskor sa 14-all, ngunit sina Cyrille Almeniana at Charisse Enrico ang tumapos sa laban para selyuhan ang malaking panalo ng Lady Altas.

Si Almeniana, na halos buong nakaraang season ay hindi nakalaro dahil sa injury, ay nagbalik na may 27 puntos, pinakamataas sa laro.

“Inaasahan ko na talaga sa kanya (Almeniana) ‘yon. Nando’n ‘yong gigil sa kanya, nakikita ko last year kasi ‘di siya nakalaro. Nakikita ko sa training ‘yon,” ani Rieta.

Tumulong din sina Shai Omipon at Enrico sa 1-0 kartada ng Perpetual sa Group A matapos magtala ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Bumagsak naman sa 1-1 ang Lady Blazers sa kabila ng 25 puntos ni Zam Nolasco. Nasayang din ang 22 excellent sets at limang puntos ni Chenae Basarte.

Samantala, winalis ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-9, 25-10, 28-26, upang manatiling walang talo matapos ang dalawang laro.

Nanguna si Judiel Nitura sa tagumpay ng Lady Knights para sa 2-0 kartada matapos umiskor ng 18 puntos, habang nagdagdag si Vanessa Sarie ng 13. Pinamunuan naman ni Natalie Estreller ang opensa ng Letran sa pamamagitan ng 20 excellent sets.

Pitong puntos lamang ang naitala ni Alessandra Julienne Razonable sa pagkatalo ng Lady Generals.